
Mapapatinign ka sa katabi mong di mo kilala pero alam mo na pareho kayo ng iniisip: Kasya pa ba ang isa? Eh halos kalahating puwet mo na nga lang ang nakapatong sa upuan, magsisingit pa ng isa?
Kung Pilipino ka, malamang naranasan mo na ang eksenang ito. Sari-saring nakakatawa and nakakainis na mga eksena ang nagaganap sa loob ng jeep. Marami ako nito, lalo na nung asa kolehiyo pa ako dahil jeep ang pangunahing transportasyon sa UPLB (yun, o maglalakad ka). Hindi ba iba’t-ibang karakter ang makikita mo at iba’t-ibang eksena ang masasaksihan mo?
Iba-iba ang jeep sa Pilipinas…merong mahaba, merong maikli. Merong prang nangangalawang na sa luma, parang kakalas tuwing dadaan ng humps. Merong kung jeep na parang club ang sinakyan mo dahil sa dami ng dekorasyon. Merong napakalakas ng tugtog na para namang disco ang pinuntahan mo. Meron ding may nakalagay na tali sa taas, sa may hawakan, na may kasamang instruction:
“Please fool string to go down.“
Pati mga pasahero iba-iba din. Nandyan yung nadukutan ng di namamalayan. Andyan yung napakaraming dala at lahat ay nasa gitna, wala ka tuloy madaanan. Merong kulang na lang kandungin lahat ng anak para isa lang ang bayaran (malas mo kung ikaw yung katabi kasi para ka na ring nagkandong ng isa). Merong nag-aabot ng bayad na kunwari eh sa kanila yun. Andyan din yung magkarelasyon na nag-aaway.
Minsan, para kang nanonood ng telenovela. May drama…
Lalaki: Hon, kausapin mo na ko. Ano ba nagawa ko?
Babae: [nakatinigin lang sa kabilang direksyon, di umiimik]
Lalaki: Hoonnn… Nagpaalam naman ako. Umuwi naman ako ng maaga. Please, tell me what’s wrong.
Babae: [di parin matinag]
Lalaki: Pleeassee…. [parang maiiyak na ata]
[Ibang pasahero: Parang awa mo na babae…sabihin mo na kasi please!]
may horror…
Sa isang mahabang bihaye pa-Norte [hango sa kwento ng isang ka-opisina]
Pasahero [napansin na ang katabi ng isang pasahero ay di gumigising, di kumakain, di bumababa para umihi…tulog lang ng tulog]: Bakit yang kasama mo parang di gumigising?
Kasama: Ah eto? Patay na to.
[hoooo……]
at syempre may comedy!
Barker: CUBAO!!! CUBAO!!! CUBAO!!!
Babae: Manong Cubao po?
[Aaaargghhhh!]
Pati ako, nakapagbigay na rin malamang ng kasihayan sa mga pasehero ng jeep dahil sa bloopers ko.
Ako [nag-aabot ng bayad, wala sa sarili]: Manong, pabili po.
Driver [nakangiti…malakas ang boses]: Alin? Itong jeep?
Ha. Ha.
Miss ko na sumakay ng jeep.